BASAg na Sistema
Sa bawat salitang hindi mabasa, may kuwentong hindi agad nakikita, isang batang patuloy na humahabol sa aralin, habang ang sistema ay patuloy ding naghahanap ng paraan upang siya’y maabutan
Sa likod ng mga pahina ng libro at mga araling nakasulat sa pisara, may mga mag-aaral na patuloy na hinahabol ang mga kasanayang hindi pa nila lubusang nakakamit. Para sa ilan, ang simpleng pagbasa ng isang salita o pag-unawa sa isang pangungusap ay nangangailangan ng mas maraming panahon at gabay.
Isa sa mga tugon dito ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, na ipatutupad para sa ikalawang taon sa pangunguna ni ARAL Coordinator Lourly Palacio. Nakatakdang magsimula ang programa sa Agosto 24.

Batay sa datos na ibinahagi ni Palacio, 406 na learners ang kabilang sa programa, habang 350 naman ang tumugon. Ipinapakita ng bilang na ito ang lawak ng pangangailangan para sa karagdagang academic support sa mga mag-aaral
Mas mabigat ang hamon para sa ilang non-reader, kabilang ang mga Grade 7 learners na nangangailangan pa ng basic reading skills. Sa ganitong sitwasyon, ang pagbasa ay hindi lamang isang competency na kailangang maabot, kundi pundasyong kailangan upang masundan ang iba pang aralin.
Gayunpaman, hindi lamang kakayahan ng learner ang sinusubok sa proseso. Sinusubok din nito ang kakayahan ng paaralan na makahanap ng paraan upang maabot ang bawat batang nangangailangan ng dagdag na suporta. Sa likod ng bawat bilang sa talaan ay isang mag-aaral na may sariling pangangailangan, karanasan at kakayahang maaaring mapaunlad sa pamamagitan ng tamang gabay
Dahil ang learning gap ay hindi dapat maging tatak na magdidikta kung hanggang saan lamang maaaring marating ng isang bata. Sa bawat salitang natututunang basahin at bawat araling unti-unting nauunawaan, may hakbang tungo sa pagbawi ng pagkakataong matuto, at sa unti-unting pagsasara ng BASAg na sistema.