Lamat sa Seguridad
Araw-araw, tinitiis ng mga estudyante ang pagkahaba-habang pila para sa bag inspection. Mahabang paghihintay, siksikan, at ilang minutong kinakain sa oras ng pagpasok—lahat para sa isang layunin: ang mapanatili ang kaligtasan sa paaralan. Ngunit kung ang inspeksyon ay nauuwi lamang sa tusok at alog ano pa ang saysay nito kung ang mismong layunin nitong magbigay ng seguridad ay hindi naman natutupad?
Sa gitna ng patuloy na mga isyung hinggil sa seguridad sa paaralan at pagpasok ng mga ipinagbabawal na gamit sa loob ng campus, mas pinaigting ang bag inspection bilang panangga sa anumang banta. Ngunit kung ang inspeksyon mismo ay hindi isinasagawa nang maayos, nagiging palabas lamang ang seguridad—mahaba ang pila, ngunit mababaw ang pagsusuri. Hindi sapat ang simpleng pagtusok-tusok ng gamit at pag-alog sa bag na para bang naghahanap lamang ng laman sa loob ng isang supot ng french fries. Kung hindi maingat na nasusuri ang mga gamit, paano nito matitiyak na talagang natutupad nito ang layunin nitong protektahan ang bawat estudyante?
Matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban na ikinamatay ng tatlong estudyante at ikinasugat ng humigit-kumulang 20 iba pa, muling yumanig sa bansa ang panibagong insidente sa isang paaralan sa Zamboanga noong Agosto 18—ang ikalawang nakamamatay na school shooting sa bansa sa loob lamang ng dalawang buwan. Dahil dito, lalong naging mahalaga ang mga hakbang pangseguridad gaya ng bag inspection. Ngunit paano magiging sandigan ang isang sistemang hindi naman lubusang nakapagsusuri?
Gayunpaman, hindi rin na man natin sila masisisi dahil limitado ang oras at napakarami ng estudyanteng kailangang inspeksyunin araw-araw. Sa dami ng kailangang suriin at sa mahabang pila sa gate, hindi maiiwasang maging mabilis ang bawat inspeksyon upang hindi tuluyang maantala ang pagpasok ng mga mag-aaral. Tao rin ang mga nagsasagawa nito, kaya hindi makatarungang isisi sa kanila ang bawat kakulangang dulot ng oras at dami ng estudyante.
Pero hindi lang iyan ang isyu. Ayon sa isang anonimóng estudyante mula sa Libertad National High School, may mga pagkakataong may mga gwardiyang nagiging maluwag sa inspeksyon at hindi na sinusuri ang laman ng bag ng ilang estudyanteng kabilang sa isang Special Program. Kung iisa lamang ang patakaran para sa lahat, bakit tila may ilan na nakalulusot sa parehong prosesong dapat sinusunod ng bawat estudyante? Napakadaya, ang seguridad ay hindi dapat nakabatay sa kung anong programa ka kabilang, kundi sa pantay na pagtrato sa bawat estudyante.
Dapat magkaroon ng malinaw na pamantayan sa inspeksyon na mahigpit na sinusunod sa lahat, may regular na pagmomonitor sa mga nagsasagawa nito, at may agarang pagwawasto kapag may napapansing pagkukulang. Sapagkat ang tunay na seguridad ay hindi lamang tungkol sa paghahanap ng panganib, kundi sa pagtiyak na walang sinumang estudyante ang napapaboran o napapabayaan.