Pinagkait na Kaalaman
May mga pagkakamaling may kapalit na panghabambuhay, at may mga pagkakataong ang pinakamalaking pagkakamali ay ang hindi pagkakaroon ng sapat na kaalaman. Sa isang lipunang mabilis humusga ngunit mabagal magturo, ang katahimikan ay hindi palaging nangangahulugan ng kapayapaan. Minsan, ito ang puwang kung saan lumalaki ang takot, maling impormasyon, at mga problemang sana’y maaari pang naiwasan.
Sa unang quarter ng 2026, 4,633 bagong kaso ng HIV ang naiulat sa Pilipinas, ayon sa Department of Health Epidemiology Bureau. Humigit-kumulang 51 bagong naiulat na kaso bawat araw ang naitala sa loob lamang ng tatlong buwan patunay na talamak ang isyung ito sa lipunan. Nakaaawang isipin na patuloy pa rin na lumalaganap ang sakit na ito sa ating bansa, hays kulang sa disiplina at edukasyon tungkol sa sex education.
Mas mabigat ang katotohanang 31% ng mga bagong naiulat na kaso ay nasa edad 15–24. Kabataan ang malaking bahagi ng bilang na ito, mga edad na nasa yugto pa lamang ng paghubog ng kanilang mga desisyon, relasyon, at kinabukasan. Nakalulungkot isipin na sa murang edad ay ganito na ang kanilang sinapit, nakadudurog ng puso.
Hindi rin maihihiwalay sa usapin ang prostitusyon, na madalas napagkakamalang simpleng usapin lamang ng moralidad. Sa huling quarter ng 2025, 486 sa mga bagong diagnosed na HIV cases ang nag-ulat na nakibahagi sa transactional sex sa loob ng nakaraang 12 buwan. Sa bilang na ito, 235 ang nagbayad para sa sex, 171 ang tumanggap ng bayad, at 80 ang parehong nagbayad at tumanggap. Ganito na ba talaga kahirap ang buhay na pati ang sariling laman ay kailangang ibenta upang mabuhay? Nakasusuka.
Ang mas nakababahala ay hindi lamang ang bilang ng mga bagong kaso, kundi ang katahimikang nakapalibot dito. Habang may mga taong patuloy na humaharap sa HIV, marami pa rin ang takot magsalita, magtanong, at magpasuri dahil sa hiya at panghuhusga. Sa halip na maging sandalan, nagiging panibagong pasanin ang lipunang mabilis magbintang ngunit mabagal umunawa. Kapag ang takot sa tao ay naging mas malaki kaysa sa takot sa sakit, hindi na lamang HIV ang ating kinakaharap—pati ang isang lipunang unti-unting nawawalan ng malasakit.
Hindi na puwedeng ipabukas ang aksiyon sa problemang ngayon pa lamang ay sumisigaw ng babala. Kailangang magsimula ang pagbabago sa edukasyong hindi natatakot magsabi ng katotohanan, sa testing na madaling lapitan at hindi dapat ikahiya, sa treatment na hindi ipinagkakait, at sa serbisyong umaabot maging sa mga taong pinakamahirap abutin. Kailangang putulin ang tanikala ng maling impormasyon bago ito maging sanhi ng takot, at palitan ang mapanuring mata ng lipunan ng kamay na handang umalalay. Dahil ang 4,633 ay hindi dapat maging simpleng marka sa isang talaan. Ito ang dapat maging hudyat—na bago pa lumaki ang bilang, kailangang lumalim ang ating kaalaman.