Tulay Hindi Alalay
May mga suliraning nagsisimula sa simpleng hinaing ng isang estudyante, isang concern na kailangang marinig bago ito makarating sa taong may kakayahang tumugon. Sa ganitong pagkakataon, pumapasok ang papel ng Supreme Secondary Learner Government (SSLG) bilang boses at kinatawan ng student body
Hindi nangangahulugang kailangang solusyunan ng SSLG ang bawat problemang inihaharap sa kanila. Sa ilalim ng mga alituntunin para sa student government, kabilang sa kanilang mga tungkulin ang pagbuo o pagrerekomenda ng mga programang tumutugon sa concerns ng mga mag-aaral, paggawa ng recommendations sa school authorities, at pagrerepresenta sa mga opinyon, mungkahi at hinaing ng student body.
Ibig sabihin, may hangganan ang kanilang awtoridad. Kapag ang isang concern ay nangangailangan ng disciplinary action, hindi SSLG ang dapat magdesisyon sa kaso. Ito ay dapat idaan sa mga school personnel na may kaukulang mandato, gaya ng mga disciplinarian.
Gayundin, ang mga sensitibong personal o psychosocial concerns ng learners ay maaaring i-refer sa guidance personnel na may sapat na training at responsibilidad para sa ganitong mga usapin. Sa ganitong sistema, hindi basta ipinapasa ang problema—inaakyat ito sa tamang tao at tamang proseso.
Mahalaga ang ganitong distinction dahil ang student leadership ay hindi nasusukat sa dami ng problemang kaya nilang lutasin mag-isa. Sa halip, bahagi ng pagiging lider ang pagkilala sa sariling limitasyon at pag-alam kung kailan kailangang humingi ng tulong sa mas angkop na awtoridad.
Sa kasalukuyang DepEd leadership programs, binibigyang-diin din ang ethical leadership, advocacy, communication, at pag-identify ng institutional challenges bilang bahagi ng pagpapalakas sa student governance.
Kaya ang SSLG ay maaaring tingnan hindi bilang “tagalutas ng lahat,” kundi bilang tulay, nakikinig sa estudyante, nagdadala ng kanilang concerns sa tamang tanggapan, at tumutulong tiyaking hindi nawawala ang boses ng student body sa proseso ng paglutas.